Dating Bangsamoro lawmaker na iniuugnay sa P3.54-B shabu shipment, haharap sa PDEA sa Nov. 5

Logo of the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) featuring a green oval with the acronym PDEA in white, surrounded by a circular border with the text 'Philippine Drug Enforcement Agency' and 'Office of the President'.

Nakatakdang humarap sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Nobyembre 5 si dating Bangsamoro parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang kaugnay ng imbestigasyon sa planong pagpapasok sa bansa ng 521 kilo ng hinihinalang shabu mula Laos na nagkakahalaga ng Php 3.54 bilyon.

Ayon kay PDEA spokesperson Atty. Joseph Calulut, nangako ang mga abogado ni Rimbang na personal na ihaharap ang kanilang kliyente sa ahensiya matapos itong maiugnay sa umano’y pagpopondo sa nasabing shipment.

Sinabi ng PDEA na mahalagang makuha ang paliwanag ni Rimbang upang malinawan ang kanyang posibleng papel sa transaksyon at matukoy ang iba pang indibidwal na maaaring sangkot sa planong pagpapasok ng ilegal na droga.

Samantala, dalawa pang person of interest ang hindi pa tumutugon sa mga subpoena na inilabas ng PDEA.

Kabilang sa mga ito si Abdulkarim Macalatas, na pinaghihinalaang tatanggap ng shipment pagdating nito sa Pilipinas.

Patuloy ang imbestigasyon ng PDEA upang matukoy ang pinagmulan ng shipment, ang mga posibleng nagpondo rito, at ang mga taong nasa likod ng operasyon.

Wala pang inilalahad na pinal na konklusyon ang ahensiya hinggil sa pananagutan ng mga pinangalanang indibidwal, na may karapatang magpaliwanag at sumagot sa mga alegasyon laban sa kanila.

Leave a Reply