
Nakatakdang isailalim sa masusing pagsusuri ng Senate impeachment court ngayong linggo ang mga idineklarang negosyo at mga umano’y transaksyon sa pamahalaan ng mga kumpanyang nauugnay kay Vice President Sara Z. Duterte kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment hinggil sa sinasabing hindi maipaliwanag na kayamanan.
Inaasahang haharap bilang mga susunod na testigo sina Civil Service Commission Assistant Commissioner Ariel Ronquillo, Securities and Exchange Commission Director Gerardo del Rosario, at PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña upang patunayan ang mga patakaran sa SALN at beripikahin ang corporate at procurement records ng mga kumpanyang kinasasangkutan ng Bise Presidente, kabilang ang Gencorp Industries Inc. Kasabay nito, itinakda rin ng impeachment court ang Setyembre 23 para sa oral arguments ukol sa kontrobersyal na bilang ng votes na kailangan para sa hatol na conviction, kung saan ipagtatanggol ng prosecution panel ang kanilang legal na posisyon sa ilalim ng pamumuno ni Rep. Leila de Lima.