
LEGAZPI CITY, Albay — Umabot sa 9,020 pamilya sa lalawigan ng Albay ang matagumpay na nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos makamit ang Level 3 o self-sufficient status, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinarangalan ang mga pamilya sa isinagawang Pugay Tagumpay ceremony noong Nobyembre 16 sa Albay Astrodome sa Legazpi City bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng kanilang kabuhayan.
Batay sa 2025 Social Welfare and Development Indicators (SWDI), ang mga pamilyang nakamit ang self-sufficient status ay mayroon nang kakayahang tustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan, mas matatag na pinagkukunan ng kita, at sapat na kakayahang harapin ang mga hamon sa buhay nang hindi lubos na umaasa sa tulong ng pamahalaan.
Ang kanilang pagtatapos sa programa ay bahagi ng layunin ng 4Ps na matulungan ang mga mahihirap na pamilya na makamit ang pangmatagalang pag-unlad at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan.
Tiniyak naman ng DSWD na magpapatuloy ang pagbibigay ng suporta at iba pang programa upang mapanatili ng mga pamilyang nagtapos sa 4Ps ang kanilang naabot na antas ng pamumuhay.
Layunin ng mga karagdagang programa na higit pang palakasin ang kanilang kakayahang pangkabuhayan at maiwasang muling malagay sa kahirapan.